Inihayag ng National Telecommunications Commission (NTC) na umabot sa 105.9 milyon ang nakapag-parehistro ng SIM card sa pagtatapos ng deadline nitong Hulyo 25, at wala na itong extension.
Ayon sa NTC, ang nasabing bilang ay nasa loob ng target na nasa pagitan ng 100 milyon hanggang 110 milyong nakarehistrong SIM.
Sa 105.9 milyong matagumpay na SIM Registration, ang Smart ay nakapagrehistro ng 50.0 milyon; Globe, 48.4 milyon at DITO, 7.5 milyon.
Matatandaang pinalawig ang orihinal na deadline ng Abril 26, ng 90 araw upang bigyan ng pagkakataon ang milyun-milyong user para magparehistro.
Giit ng NTC, ang hindi pagrehistro ng mga SIM bago ang 11:59 ng gabi ng Hulyo 25 ay magreresulta sa pag-deactivate ng mga serbisyo ng telekomunikasyon at mobile data kabilang ang pag-access sa social media, maliban sa layunin na muling ma-activate ang mga hindi rehistradong SIM hanggang Hulyo 30 lamang.
Ang access sa online banking at iba pang financial online transaction ay dapat ding i-deactivate.
Pagsapit ng Hulyo 31, ang lahat ng hindi rehistradong SIM ay permanenteng made-deactivate at hindi na maaaring muling i-activate o iparehistro.