Humaba umano ang buhay ng mga Pilipino sa loob ng nakalipas na 75 taon.
Sa selebrasyon ng ika-75 anibersaryo ng World Health Organization, sinabi ni WHO Representative to the Philippines Dr. Rui Paulo de Jesus na umakyat na sa 71 taon ang ‘life expectancy’ ng mga Pilipino mula sa dating 54 taon.
“Over the past 75 years, the Philippines has paved the way for significant improvements in health and overall well-being of Filipinos,” saad ni Dr. de Jesus.
Ilan sa mga narating ng Pilipinas ay ang eliminasyon sa leprosy o ketong noong 1998 na idineklara ng WHO, habang nakikita rin na malapit nang masugpo ang malaria.
Binanggit pa niya na nagbalik na sa ‘pre-pandemic level’ ang ‘maternal mortality ratio’ na nasa 104 kada 100,000 live births noong 2022. Bumaba rin umano ng 20% ang antas ng paninigarilyo ng mga Pilipino mula nang maipasa ang Sin Tax Reform Law.
Sa kabila ng mga ito, malaki pa rin ang hamon sa kalusugan sa Pilipinas. Kabilang ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga dinadapuan ng tuberculosis at HIV/AIDS.
Nangunguna naman sa sanhi ng pagkamatay ang mga non-communicable disease na hypertension, sakit sa puso, at cancer; habang malaking epekto sa kalusugan ang pagiging nasa unahan ng Pilipinas sa World Risk Index 2022 bilang ‘disaster-prone country’ sa buong mundo.