Umabot na sa lima katao ang iniulat na nasawi sa pananalasa ng bagyong Egay.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) deputy spokesperson Diego Mariano, apat dito ay mula sa Cordillera Autonomous Region (CAR) matapos matabunan ang kanilang bahay sa bayan ng Buguias, Benguet dahil sa landslide habang ang isa ay mula sa Calabarzon.
Dalawa naman ang sugatan, subalit patuloy pang bineberipika ng NDRRMC.
Patuloy din ang paglobo ng bilang ng mga apektadong indibidwal kung saan nasa 89,639 pamilya o katumbas ng 328,356 katao mula sa 836 barangay sa Regions 1, 2, 3, 5, 6, 10, 12, CALABARZON, MIMAROPA, BARMM at CAR.
Halos nasa 20,000 katao naman ang nanunuluyan sa 306 evacuation centers.
Sa report ng Department of Public Works and Highways, pumalo sa 27 road sections ang hindi madaanan kabilang ang nasa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley Region at Central Luzon.
Samantala, umaabot na sa P1.7 milyon ang pinsala sa pagkawasak ng 22 tulay, kalsada at mga paaralan habang 400 bahay ang nasira at 38 ang totally damaged.
Umabot na rin sa P10.29 milyong halaga ng food packs at iba pang tulong ang naibigay ng DSWD at local governments.
Balik naman na sa normal ang operasyon ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa northern Luzon maliban sa Laoag.