Nag-deploy ang Philippine National Police (PNP) ng 200 pulis para tumulong sa isinasagawang relief operations sa mga lugar na matinding sinalanta ni supertyphoon Egay at monsoon rain.
Ayon kay P/Major Alan Okubo, PNP Directorate for Community Relations, nasa P3-M din ang kanilang nalikom mula sa donasyon ng mga pulis para ipambili ng food packs at iba pang relief goods na kailangan ng mga apektadong pamilya.
Inihayag ni Okubo na ang idineploy na puwersa ay mula sa Search and Rescue (SAR) at Reactionary Standby Support Force (RSSF) personnel na inatasang makipagkoordinasyon sa Local Government Units at iba pang ahensya ng pamahalaan para sa disaster relief response.
Una nang nag-deploy ng mga tauhan ang AFP -Northern Luzon Command para sa relief and rescue operations sa mga apektadong lugar partikular na sa hilagang Luzon.
“The send off for the search and rescue teams are on a noble mission to our fellow Filipinos devasted by typhoon Egay. The PNP share and stand on the journey towards healing and rebuilding,” pahayag ni Okubo sa send-off ceremony sa Camp Crame.
Binigyang diin ng opisyal na mahalaga na maipakita ang pakikiisa at malasakit ng kapulisan sa mga pamilya ng mga residenteng apektado ng kalamidad.
Sa kasalukuyan patuloy naman ang pamamahagi ng relief goods ng lokal at pamahalaang nasyonal sa mga naapektuhan ng pagbaha sa Luzon.