Hindi bababa sa 60 katao na ang tinamaan ng sakit na diarrhea sa islang bayan ng Rapu-rapu, Albay at tatlo na rito ang naitatalang nasawi dahil sa kumplikasyon at severe dehydration makaraang makontamina ng bakterya ang kanilang pinagkukunan ng inuming tubig dahil sa nakalipas na mga pag-ulan sanhi ng bagyong “Egay”.
Ayon sa ulat ng Provincial Health Office, panibagong 15 residente mula naman sa Brgy. Gaba ang tinamaan ng diarrhea, isa rito ang 12-anyos na bata na nasawi dahil sa severe dehydration.
Ang Brgy. Gaba ay katabing lugar lang ng Brgy. Manila na una nang nagkaroon ng nasabing sakit at 45 residente rito ang nakaranas ng matinding pagdudumi na ikinasawi ng isang 33-anyos na babae at isang 67-anyos na lolo.
Isa sa mga nasawi ang kinunan ng rectal swab at nagpositibo sa bakteryang fecal coliform na karaniwang nakukuha sa dumi ng tao.
Muling nagpadala ng galun-galong tubig, Aquatabs at chlorine tablets ang kapitolyo ng Albay sa pamamagitan ng Provincial Health Office sa mga residente.
Ilang medical workers na ang ipinadala rin para mag-imbestiga sa paglaganap ng diarrhea at makipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng bayan para mapigilan ang pagkalat ng sakit sa iba pang barangay.
Ayon kay PHO-water and sanitation division’s chief Engr. William Sabater, muli silang kumuha ng water samples sa pinagkukunan ng tubig ng mga residente at rectal swab sa naging biktima na nakatakdang ipadala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para malaman kung anong bakterya ang tumama sa panibagong mga tinamaan ng sakit.