Sasampahan ng kasong kriminal ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kapitan at crew members ng bangka na lumubog sa Laguna de bay sa Binangonan, Rizal na ikinasawi ng 27 katao.
Sa media forum sa QC, sinabi ni PCG spokesman Rear Admiral Armand Balilo na ang PCG at Philippine National Police (PNP) ay patuloy na kumukuha ng mga ebidensiya laban kay Donald Anain, boat captain ng MV Aya Express at dalawa nitong mga tauhan.
“Depende kung ano ang mapag-agree-han nung committee sa ebidensyang available,” pahayag ni Balilo.
Ilan sa posible ring isampang kaso ay reckless imprudence resulting in multiple homicide.
Sa 40 sakay ng bangka, 27 katao ang namatay sa paglubog ng bangka sa lawa habang papuntang Talim Island.
Sinabi ni Balilo na patuloy sila sa pagsasagawa ng search and retrieval operations upang malaman kung may nawawala pang pasahero.
Sinabi rin ni Balilo na 22 lang ang sinasabing sakay ng bangka pero wala silang eksaktong alam ng tunay na bilang ng sakay ng bangka nang ito ay lumubog.
Ang bangka ay sinasabing may 42 upuan lamang pero 67 ang sinasabing sakay nito.
Ayon pa kay Balilo, kahit nagpapatupad ng paghihigpit, ang mga pasahero ay dapat maging responsable na obserbahan at tupdin ang safety protocol.
“Dapat responsable ang mga mananakay. Kung alam mo colorum ang bangka at delikado, huwag ka na sasakay,” sabi ni Balilo.