Bumuo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Inter-Agency Council for the Pasig River Urban Development bilang bahagi ng pagtugon ng gobyerno sa agarang pangangailangan na ayusin at pagandahin ang Pasig River.
Alinsunod sa Executive Order (EO) No. 35, na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ang inter-agency council ang magiging responsable na tiyakin ang ganap na rehabilitasyon ng riverbanks, sa kahabaan ng Pasig River water system at mga kalapit na water systems.
“There is an urgent need to rehabilitate and enhance the quality of life along the banks of the Pasig River, its tributaries, and surrounding communities,” dagdag na pahayag nito.
Pamumunuan ng Kalihim ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang inter-agency council.
Magsisilbing vice-chair ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman. Mayroon namang 13 member agencies na kinabibilangan ng DPWH, DENR, DILG, DOT, DOTr, DOF, DBM, National Historical Commission of the Philippines, National Commission for Culture and the Arts, Philippine Ports Authority, Philippine Coast Guard, Laguna Lake Development Authority at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.
Ang council rin ang naatasang bumuo ng Pasig River Urban Development Plan at magpatupad ng “coordinated at integrated rehabilitation” ng Pasig Riverbanks system at mga kalapit na water systems.