Magpapatupad ng mas mahigpit na inspeksyon ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga inter-island na pampasaherong bangka makaraan ang trahedya sa may Talim Island sa Binangonan, Rizal.
Sinabi ni PCG spokesperson Read Admiral Armand Balilo na ang paghihigpit ay upang hindi na maulit ang naganap na trahedya sa Laguna de Bay na sinasabing hindi nabantayan ang manipesto at kung sumusunod sa panuntunan sa kaligtasan ang kapitan ng bangka.
“Ang thrust po ng Philippine Coast Guard ngayon ay, base na rin po sa directive ng Presidente, itong darating na bagyo ay maging mahigpit tayo doon sa pag-inspect noong mga inter-island ferries at para maiwasan po iyong mga ganitong klase ng aksidente,” saad ni Balilo.
Kabilang sa mga natuklasan sa inisyal na imbestigasyon ay ang overloading ng bangka, hindi maayos na manipesto nang 22 sa higit 60 pasahero lamang ang nakatala, at hindi pagtiyak ng mga nakatalagang tauhan ng PCG na nakasuot ng life vest ang mga pasahero.
Una nang sinibak sa puwesto ng PCG ang dalawa nilang tauhan na nakatalaga sa Port of Binangonan, makaraang makabiyahe ang bangka sa kabila ng naturang mga bayolasyon.
Samantala, nananatiling nakaantabay ang mga tauhan ng PCG na handa umano na galugarin pa ang lugar kung saan tumaob ang bangka sakaling mayroon pang pasahero na hindi natutukoy.
Mayroon nang plano ang kampo ni Senador Grace Poe na magsagawa ng pagdinig para maimbestigahan ang sakuna kung saan tututukan ang posibleng naging kapabayaan ng mga ahensya ng pamahalaan kabilang ang PCG.