Higit pang lumakas ang Severe Tropical Storm Falcon nitong Linggo habang kumikilos patungong norte.
Sa 5 pm weather update ng PAGASA, huling namataan si Falcon may 1,170 kilometro, silangan ng Northern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 110 kph at pagbugso na hanggang 135 kph.
Bagamat lumakas ang bagyo, wala pang idinideklarang tropical cyclone wind signals sa alinmang bahagi ng bansa.
Patuloy pa rin namang pinalalakas ni Falcon ang habagat na inaasahang magdudulot ng manaka-nakang pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas sa susunod na tatlong araw.
Kabilang sa mga lugar na inaasahang maaapektuhan ng habagat ang Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Occidental Mindoro, Palawan, Romblon, Northern Samar, malaking bahagi ng Calabarzon, Bicol region at Western Visayas.
Sa pagtaya ng Pagasa, maaaring lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo ngayong Lunes ng gabi o Martes ng umaga.