Nagkasundo sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at European Commission President Ursula Von der Leyen na palakasin pa ang kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at European Union.
Inihayag ito ng Pangulo matapos ang bilateral meeting nila ni Leyen kahapon ng umaga sa Malacañang.
Sa joint press statement ng Pangulo at ni Leyen, sinabi nitong napag-usapan din nila ang pagbubukas ng negosasyon para sa Philippines-EU free trade agreement.
Bukod rito, nagkasundo rin umano ang dalawang lider na magkaroon ng financing agreement sa green economy program sa Pilipinas kung saan paglalaanan ng 60 milyon Euros na grant ang circular economy, renewable energy, at climate change mitigation sa bansa.
Siniguro rin ni Marcos sa EU ang pagiging matatag na kapartner nito para sa pagtataguyod ng demokrasya at karapatang pantao.
Pinasalamatan naman ni Marcos ang UE sa suporta sa Bangsamoro peace process, gayundin sa mga inisyatibo sa pagpapatupad ng rule of law, hustisya, agrikultura, space cooperation at disaster management.
Kasabay nito,nagpasalamat din ang Pangulo sa European Commission sa pagpapalawig sa pagkilala sa STCW certificates ng Pilipinas na umano‘y nagsalba sa trabaho ng mahigit sa 50,000 Pinoy seafarers.