Idineklara nang terorista ng Anti-Terrorism Council (ACT) si Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves at 12 iba pa.
Bukod kay Congressman Teves, idineklara rin terorista ang kapatid nito na si Pryde Henry Teves, Marvin Miranda, Rogelio Antipolo, Rommel Pattaguan, Winrich Isturis, John Louie Gonyon, Dachniel Lora, Eulogio Gonyon Jr., Tomasino Aledro, Nigel Electona, Jomarie Catubay at Hannah Mae Sumero Oray.
Nakasaad sa inilabas na Anti-Terrorism Council Resolution No. 43, nilabag umano ng grupo ni Teves ang Sections 4,6, 10 at 12 ng Anti-Terrorism Act dahil sa mga serye ng mga pagpatay at pangha-harass sa mga residente sa Negros Oriental.
Gayundin ang pagpaplano, training, paghahanda at pag-facilitate para sa paggawa ng terorismo, recruitment sa mga miyembro nito bilang isang terrorist organization at pagbibigay ng material support sa mga terorista.
Partikular na tinutukoy sa resolusyon ng ACT ang ginawang pagsugod ng grupo ni Teves sa bahay ni Governor Roel Degamo.
Magugunita na pinagbabaril si Degamo at iba pang mga tauhan nito habang namamahagi ng ayuda noong Marso 4, 2023.
Ang resolusyon ay nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na siyang chairman ng ACT.
Lumagda rin sa resolusyon sina National Security Adviser Eduardo Año na tumatayong vice chairman ng ACT at retired Director General Ricardo de Leon na nagsisilbing head ng ACT secretariat.
Sinabi naman ng abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio na hindi na sila nabigla sa nasabing hakbang ng ACT dahil sa political prosecution laban sa kongresista.