Boluntaryong binuwag ng mga persons deprived of liberty (PDL) ang kani-kanilang ‘kubol’ sa loob ng pambansang piitan matapos iutos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr.
Sa ulat nitong Sabado, nasa 60 kubol ang giniba ng mga preso sa security housing building 1 at 6 New Bilibid Prison (NBP) North, SHB 9 NBP East Quadrant 4 at SHB 7 NBP West Quadrant 2, habang ang pagbuwag ng kubol sa Quadrant 3 ay nagpapatuloy pa na matatagpuan naman sa maximum security compound.
Sinabi ni Catapang na ang hakbang ay bahagi ng ipinatutupad na crackdown laban sa mga kontrabando sa lahat ng mga piitan.
Babala pa ni Catapang, ang mga hindi pa nagigibang kubol ay sisimulang sirain ng mga tauhan ng BuCor simula sa Lunes, Agosto 21, partikular sa mga kubol sa Diversified Maintenance Unit.
Inatasan na niya ang bagong talagang Deputy Director General for Operations na si Gil Torralba na manguna sa operasyon, gayundin ang Operation Greyhound (Galugad) na regular na isasagawa sa national penitentiary.