Nagmamatigas pang tinanggihan ng mga Chinese ang alok na tulong ng Philippine Navy matapos na magkaaberya ang rubber boat ng mga ito sa Ayungin Shoal sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay AFP spokesman Col. Medel Aguilar, sa halip ay sinisi pa ng mga Chinese ang Philippine Coast Guard (PCG) bunga ng insidente.
Nabatid na habang hinahabol ng mga Chinese rubber boat ang PCG vessels na nagsasagawa ng resupply mission na pilit ng mga itong hinaharang ay sumabit ang isa sa Rigid Hull inflatable boats ng China sa fishing line sa lugar.
“Troops offered assistance to help China, but China refused”, ani Aguilar kung saan isa pang bangka ang dumating at siyang tumulong sa mga bangka ng mga Chinese.
Ang insidente ay nangyari noong nakalipas na Setyembre 7 habang nasa resupply mission ng tropa ng Pilipinas sa Ayungin Shoal ang PCG vessels.
Gayunman, ayon kay Aguilar ay nag-radio message pa umano ang Chinese Coast Guard na sinisisi ang PCG na kaya umano nagkaproblema ang kanilang bangka ay dahilan sa pagmamaniobra ng huli sa bahagi ng Ayungin Shoal.
Binigyang diin ng opisyal na mahalaga na maging transparent sa mga nangyayari sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon pa kay Aguilar, krusyal ang papel ng media para maitama ang mga fake news ng China sa isyu sa WPS kung saan nagsasabi sila ng totoong istorya.
Inihayag pa ng opisyal na sa kabila nito ay naging matagumpay ang bagong resupply mission sa BRP Sierra Madre na nakahimpil sa Ayungin Shoal sa kabila ng pagtatangka ng China na harangin ito.
Base sa report ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang AFP Western Command sa tulong ng PCG ay nakumpleto na ang resupply mission sa loob ng dalawang linggo simula noong nakalipas na Agosto 22.
Nabatid na ito ang ikatlong trip simula noong Agosto 5 ng bombahin ang mga bangka ng PCG ng water cannons mula sa Chinese Coast Guard.
Sa ilalim ng panibagong 10 dash line na ipinalabas ng China ay pinalawak pa ng mga ito ang nasasaklaw sa WPS kung saan maging ang Ayungin Shoal ay pilit na ring inaangkin.