Kumpiyansa ang Department of Agriculture (DA) na magiging matatag na ang presyo ng bigas at palay sa pagsisimula ng anihan sa bansa ngayong Setyembre at Oktubre.
Nabatid na target ng pamahalaan na magkaroon ng inisyal na hanggang limang milyong metriko toneladang (MMT) ani ng palay sa mga nasabing buwan.
Base sa pagtaya ng Philippine Rice Information System (PRiSM) hanggang noong Agosto 14, inaasahang aabot sa 2 MMT ang inisyal na ani ng palay sa katapusan ng buwang ito.
Ang karamihan o bulto ng ani ay inaasahang magmumula sa mga lalawigan ng Isabela, Cagayan, Iloilo, Nueva Ecija, North Cotabato, Leyte, Oriental Mindoro, Camarines Sur, Palawan, Bukidnon, Zamboanga del Sur, at Davao del Norte.
Samantala, nasa hanggang 3 MMT naman ang aanihing palay sa susunod na buwan, na inaasahang manggagaling sa Nueva Ecija, Pangasinan, Tarlac, Isabela, Occidental Mindoro, Cagayan, Oriental Mindoro, Palawan, Bulacan, Iloilo, Bukidnon, Agusan del Sur, Ilocos Sur, Leyte, at Camarines Sur.