Hindi na umano makapangisda ang mga Filipino sa Scarborough Shoal dahil sa nakaharang at nakabantay na mga Chinese vessels.
Ito ang sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Col. Medel Aguilar kung saan maituturing itong insulto sa Pilipinas dahil sakop nito ang Scarborough Shoal na mas kilalang Panatag Shoal o Bajo de Masinloc.
“Parang iniinsulto na tayo sa kanilang ginagawa na alam naman nila na walang basehan ang kanilang claim ng territory,” ani Aguilar.
Ayon kay Aguilar, nakakapangisda pa rin ang mga Filipino subalit hindi sa Scarborough Shoal na maraming isda.
Hindi makapasok ang mga mangingisdang Pinoy dahil nakaharang ang mga maritime militia at mga Coast Guard vessel ng China.
“Nakapanghihinayang din pero tignan natin kung ano pa ang mga susunod na mangyayari kasi hindi naman tayo papayag na ganyan na lang palagi,” dagdag pa ni Aguilar.
Matatandang kinasuhan ng Pilinas ang China sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague noong 2013. Taong 2016 nang paboran ng korte ang Pilipinas at ibasura ang 9-dash claim ng China sa South China Sea.
Idineklara rin ng korte na ang Spratly Islands, Panganiban (Mischief) Reef, Ayungin (Second Thomas) Shoal, at Recto (Reed) Bank ay sakop ng Philippine exclusive economic zone.