Timbog ang dalawang hinihinalang tulak ng iligal na droga sa ikinasang buy-bust operation sa loob ng compound ng isang mosque sa Taguig City kamakalawa ng hapon na nagresulta rin sa pagkakasabat sa higit P3 milyong hinihinalang shabu.
Kinilala ng Taguig Police Station ang mga nadakip na sina Empoy Cayagcag, 54, nakatira sa Al-Irshad Mosque Compound, sa Road 14, Maguindanao St., Brgy. New Lower Bicutan; at si Mecky Untua, 42, nakatira naman sa E. Reyes St., Brgy. New Lower Bicutan. Nakatala ang dalawa bilang mga high-value target ng Station Drug Enforcement Unit.
Sa ulat, dakong alas-5:30 ng hapon nang magkasa ng operasyon ang mga pulis sa loob ng Al-Irshad Mosque Compound, kung saan isang police asset ang nagpanggap na buyer at nagawang makipagtransaksyon sa dalawang suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang siyam na piraso ng heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng higit-kumulang 450 gramo ng shabu na may halagang P3,060,000.00, at isang cellular phone. Narekober naman ang 59 pirasong boodle money at ang P1,000 bill na ginamit na marked money.
Nakaditine na ngayon ang mga suspek sa Taguig Custodial Jail at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Taguig City Prosecutor’s Office.