Higit sa 700 kandidato para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang napadalhan na ng Commission on Elections (Comelec) ng show cause orders dahil sa ‘premature campaigning’.
“As of September 15, 2023, we already issued a total of 737 Show Cause Orders po,” ayon kay Comelec Chairman George Garcia.
Ang mga napadalhan ng orders ay mga kandidato na inireklamo o namonitor na lumalabag sa pamamagitan ng mga social media posts ng kanilang pag-iikot o pamamahagi ng mga pagkain at items na may pangalan at mukha nila sa kanilang barangay.
Kaugnay nito, muling nagbabala si Garcia na ididiretso agad nila ang pagsasampa ng ‘election offense’ at ‘disqualification case’ sa mga kandidatong ito na hindi tutugon sa ipinadala nilang kautusan na magpaliwanag.
Sa ilalim ng umiiral na panuntunan, binibigyan ang isang kandidato na napadalhan ng order ng tatlong araw para magsumite ng tugon sa oras na matanggap ito, upang mabigyan ng kaukulang ‘due process’.
Nitong Biyernes, Setyembre 15, wala pang natatanggap ng Comelec na tugon sa daan-daang kandidato na napadalhan nila ng show cause orders.
Sinabi naman ni Comelec Executive Director Atty. Teopisto Elnas Jr., na magpapatuloy ang pagtatanggal nila ng mga campaign materials sa mga pampublikong lugar.
Ipinaliwanag niya na ang ‘temporary restraining order (TRO)’ na pumipigil sa kanila na ipatupad ang Section 21 (o), Section 24, at Section 26 ng Resolution 10730, na nakasaad ang mga regulasyon ukol sa Republic Act 9006, or the “Fair Elections Act” ay sumasakop lamang sa mga pribadong establisimyento.