Binalaan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang publiko na mag-ingat sa paglabas ng tahanan dahil sa naitalang volcanic smog o vog sa bulkang Taal sa Batangas.
Sa 24 oras na monitoring ng Phivolcs, naitala sa bulkan ang upwelling ng mainit na volcanic fluids sa Main Crater Lake na nagdulot ng “vog” na may
2,400 metrong taas at malakas na pagsingaw na napadpad sa kanluran-timog-kanluran at timog-kanluran ng bulkan.
May apat na bayan sa Batangas ang nakaranas ng zero visibility dahil sa volcanic smog ng Taal sa mga bayan ng Tuy, Balayan, Lian at Nasugbu.
Sabi ng Phivolcs, lumalapad ang lugar na naapektuhan ng volcanic smog.
Noong nakaraang linggo, tanging ang mga bayan ng Balete, Mataas na Kahoy, Laurel, Talisay, Agoncillo at Malvar lamang ang apektado.
Hindi naman matukoy ng Phivolcs, kung hanggang kailan tatagal ang volcanic smog.
Nakapagtala din ang bulkan ng limang volcanic tremors na may 20 hanggang 575 minutes dulot ng pagtaas ng aktibidad ng bulkan.
Nagtala din ng pagluwa ng asupre na may 4,569 tonelada at pangmatagalang pag-impis ng kalakhang Taal Caldera na may panandaliang pamamaga ng hilagang bahagi ng Taal Volcano Island.
Dulot nito, patuloy na pinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok sa Taal Volcano Island (TVI) lalo na sa Main Crater at Daang Kastila fissures, at pamamalagi sa lawa ng Taal.
Bawal din ang paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa posibleng biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions volcanic earthquakes manipis na ashfall, pag-ipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas.
Nananatiling nasa alert level 1 ang Bulkang Taal.