Lumalaki ang tiyansang maambunan ng kwarta ang mas maraming senior citizens sa Pilipinas matapos makapasa sa ikatlo at huling pagdinig ang Senate Bill 2028.
Lunes lang kasi nang makalusot ang naturang panukala, bagay na aamyenda sa “Centenarians Act of 2016” o Republic Act 10868.
Kung tuluyang maisasabatas, makakukuha ng regalong P10,000 ang mga Pinoy na aabot sa 80-anyos habang bibiyayaan naman ng P20,000 ang mga sasampa ng 90.
“Sa wakas, pati ang mga lolo’t lola natin na umabot ng 80 o hanggang 90 years old ay mabibiyayaan na rin ng regalo na maaaring makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, at habang naghihintay sila ng mas malaking regalo pagdating nila ng 100 years old,” ani Sen. Sherwin Gatchalian kahapon.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, tanging ang mga umaabot ng 100 taong gulang lang ang nakikinabang sa P100,000 cash gift.
Sinasabi sa SB 2028 na ang mga matatanggap ng mga benepisyaryo ng naturang regalo sa loob ng isang taon mula sa araw ng umabot sila ng 80, 90 at 100.
Bibihira ang mga umaabot sa mga naturang edad kung kaya’t hindi gaano karaming Pilipino ang nakikinabang sa benepisyong nakasaad sa “Act Recognizing The Octogenarians, Nonagenarians, And Centenarians.”
Umaabot lang sa 8.5% ng populasyon ang senior citizens (60-anyos pataas) sa Pilipinas sa bilang na 9.22 milyon, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority na inilabas nitong 2022.
Mas kaonti rito ang mga 65-anyos pataas na nasa 5.85 milyon lang. Mas mababa pa rito ang mga umaabot ng 80 hanggang 90.
Maliban kay Gatchalian, kabilang sa mga naghain ng panukala sina Sen. Bong Revilla, Sen. Koko Pimentel, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Imee Marcos, Sen. Bong Go, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Cynthia Villar, Sen. Joel Villanueva at Sen. Juan Miguel Zubiri.