Pinalaya na ng Parañaque City Police ang apat na Chinese national na inaresto at ikinulong matapos na maberipika at makapagpakita ng kanilang mga pasaporte at iba pang legal na dokumento.
Ayon kay Southern Police District Director PBrig. Gen. Roderick Mariano, kinailangan muna nilang makita ang mga dokumento ng mga dayuhan bago palayain at ito ay alinsunod lamang sa kanilang sinusunod na proseso.
Sinabi ni Mariano na ginawa lamang ng kanyang mga pulis ang kanilang trabaho at sa katunayan ay ni-rescue nila ang mga Chinese mula sa umano’y prostitution.
Aniya, kung agad na nakapagpakita ng dokumento ang mga inarestong Chinese ay hindi na nila sila ikukustodya.
Nabatid na umalma ang abogado ng mga Chinese na si Atty. Irish Bonifacio sa pagsasabing illegal ang pagkulong sa kanyang mga kliyente.
Nabatid na Setyembre 16 nang ikulong ng mga pulis ang mga Chinese nang walang kasong isinampa.
Paliwanag ni Mariano, hindi dapat nag-akusa si Bonifacio ng “illegal detention” dahil hinihintay lamang ng pulisya ang tugon ng Bureau of Immigration sa kanilang kahilingan para sa certification ng mga ito.
Tiniyak ni Mariano na sinunod lamang nila ang legal na proseso at hindi sila nang-aabuso maging ito man ay dayuhan.