Tumanggap na ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamilya ng dalawang OFW na nasawi sa karahasan sa Israel.
Ayon sa DSWD Ilocos regional office, pinagkalooban ng ayuda ng ahensiya ang pamilya ng Pinay nurse na si Angelyn Aguirre nang puntahan ng social welfare staff ang pamilya nito sa kanilang bahay sa Binmaley, Pangasinan.
Ayon kay Dean Arlu Javier ng DSWD Western Pangasinan satellite office, nagsagawa rin sila ng assessment sa pamilya ni Aguirre at nagkaloob ng food subsidy upang makatulong sa kanilang pagpunta sa Maynila para kunin ang bangkay ni Angelyn.
Tumanggap ng P10,000 tulong ang pamilya ni Aguirre sa ilalim ng Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS) ng DSWD.
Una rito, pinagkalooban din ng DSWD ng ayuda ang pamilya ng Pinoy caregiver Paul Vincent Castelvi na nasawi rin sa karahasan sa Israel.
Ayon kay DSWD Assistant Regional Director for Operations Armont C. Pecina, tumanggap na rin ng P10,000 financial aid ang pamilya ni Castelvi nang puntahan ng kanilang social worker ang pamilya nito sa Pampangga.
Nangako ang DSWD na pagkakalooban ng burial assistance ang pamilya ni Castelvi bukod sa tutulungan ang pamilya na magkaroon ng hanapbuhay.
Handa na rin ang DSWD na ayudahan ang mga Pinoy na babalik sa Pilipinas mula Israel.