Walong bata na sa bansa ang nabiktima ng mga ipinagbabawal na paputok higit isang linggo bago ang pagsapit ng Bagong Taon, ayon sa datos ng Department of Health (DOH).
Sa Day 2 ng monitoring sa FWRI (Fireworks Related Injuries) ng DOH, apat na bagong kaso ang nadagdag nitong Disyembre 23 sa mga naputukan at nadagdag sa apat na biktima noong Disyembre 22.
Lahat ng mga bagong kaso ay mga batang lalaki na may edad 8 hanggang 12 taon, at naging biktima ng illegal (3) at legal (1) na paputok, ayon sa DOH.
Sa kabuuang bilang ng mga kaso, ang mga paputok na sangkot ay Boga (3), Piccolo (2), 5-star (1), Baby Dynamite (1), at Goodbye Philippines (1).
Kaya naman mahigpit ang panawagan ng DOH sa mga magulang na pigilan ang mga anak na gumamit ng paputok at mahigpit na bantayan sila.
“Dapat bantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak at maging ehemplo sa pamamagitan ng paggamit ng ibang maingay na paraan na hindi naman nakakasakit,” panawagan ng DOH.
“Ang mga pulis, alkalde, at kapitan ng barangay ay maaaring pumigil sa pagbenta at paggamit ng illegal na paputok. Mas pinapaboran ang pagtatanghal ng paputok sa komunidad kaysa sa bahay,” paalala pa ng kagawaran.