Ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang naitalang pinakamababang antas ng inflation rate nitong Disyembre 2023.
Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang inflation para sa Disyembre 2023 ay lalong bumagal sa 3.9 porsyento mula sa 4.1 porsyento noong Nobyembre 2023, na nagdala sa buong taon na average na inflation rate sa 6.0 porsyento.
“Natutuwa akong ibinalita na bumaba pa ang inflation rate sa bansa noong Disyembre 2023 sa 3.9 percent—ang pinakamababa noong nakaraang taon, mula sa 4.1 percent para sa Nobyembre 2023,” pahayag ni Pangulong Marcos sa isang social media posting.
“Patuloy ang pagsusumikap ng pamahalaan para mapaganda ang kalagayan ng ating ekonomiya. Para sa bagong taon, lalo na nating palalakasin ang mga programa para sa agrikultura, at tinutukan ang mga hakbang upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin,” wika niya.
Ang may malaking ambag sa pagbaba ng inflation ay ang kuryente (-7.8%), house rentals (3.6%) at LPG (3.7%).
Iklawang nagpababa sa inflation ang food at non-alcoholic beverages na may 5.4%.
Binigyang-diin ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio M. Balisacan ang kahalagahan ng Executive Order No. 50, na nagpalawig sa Most Favored Nation (MFN) na pinababang tariff rates para sa mga pangunahing bilihin sa agrikultura tulad ng baboy, mais, at bigas upang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain para sa mga Pilipino at maiwasan ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin na ito.
Sinabi ni Balisacan, na namumuno sa NEDA, na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng pandaigdigang bigas at ang inaasahang negatibong epekto ng El Niño phenomenon, mahigpit na susubaybayan ng Interagency Committee on Inflation and Market Outlook ang sitwasyon at magmumungkahi ng karagdagang pansamantalang pagsasaayos ng taripa kung kinakailangan.
Isusulong din ng ahensya ang mga hakbang sa pagpapadali sa kalakalan upang mabawasan ang iba pang mga hadlang na hindi taripa.
Bagama’t nananatili ang aming medium-term na layunin na palakasin ang produktibidad ng agrikultura, mahalagang dagdagan ang domestic supply upang mapagaan ang inflationary pressure sa mga mamimili, partikular na ang mga nasa mababang kita na sambahayan, aniya.
At sa banta ng mas mataas na inflation bilang resulta ng El Niño, binigyang-diin ng pinuno ng NEDA ang pangangailangang mapabilis ang buong pagpapatupad ng El Niño National Action Plan (NAP), na naglalayong pataasin ang katatagan ng mga komunidad laban sa tagtuyot at gabay ng mga ahensya ng gobyerno sa pag-iwas sa mga agarang epekto nito.
Ang gobyerno, iginiit niya, ay dapat ding manatiling mapagmatyag sa pagsubaybay sa presyo ng mga bilihin at patuloy na magpatupad ng mga estratehiya upang matugunan ang panandalian at pangmatagalang hamon na may kinalaman sa inflation.