Umabot na sa 161 ang bilang ng mga indibidwal na nasawi dahil sa magnitude 7.5 na lindol na yumanig sa bansang Japan noong Enero 1, 2024, ayon sa mga lokal na awtoridad nitong Lunes, Enero 8.
Sa ulat ng Agence France-Presse, inihayag ng mga awtoridad sa Japan na mula sa 128 indibidwal na naitalang nasawi nitong Linggo, Enero 7, naging 161 na ito makalipas lamang ang isang gabi.
Bukod dito, umakyat na rin daw sa 103 ang bilang ng mga nawawala.
Matatandaang tumama ang magnitude 7.5 na lindol, unang itinaas sa magnitude 7.6, sa rehiyon ng Noto sa Ishikawa prefecture sa bahagi ng Sea of Japan bandang 4:10 ng hapon (0710 GMT) noong Bagong Taon.
Agad na naglabas ang Meteorological Agency ng Japan ng tsunami warning sa western coastal regions. Makalipas lamang ang 10 minuto, naiulat ang unang tsunami waves sa western coastal regions, na umabot daw sa apat na talampakan ang taas.
Noon lamang Enero 2 ng umaga nang alisin ng ahensya ang lahat ng tsunami advisories kaugnay ng naturang lindol.
Matatandaan namang inihayag kamakailan ng Department of Migrant Workers (DMW) na walang naiulat na mga Pilipino sa Japan na nasawi dahil sa lindol.