Nagtagumpay ang pamahalaan sa kampanya nito laban sa ilegal na droga, ayon sa pahayag ng Malacañang nitong Lunes, Enero 8.
Pinagbatayan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang nasamsam ng Philippine National Police (PNP) na mahigit sa ₱10.4 bilyong halaga ng illegal drugs sa sunud-sunod na operasyon noong 2023.
“Na-ireport ng PNP na we have successfully confiscated an estimated 10.4 billion pesos worth of illegal drugs in 2023. Masasabi natin na 27,968 barangay ay naideklarang drug-cleared,” bahagi ng video message ng Pangulo.
“Magandang progreso ito sa grassroots level dahil ang mga barangay ay ‘pag nasabi natin ay cleared ‘yan, madali nang i-monitor at maayos na ang patakbo doon. Siyempre, lagi rin natin tinitingnan ‘yung rehab — ‘yung prevention na hindi na pumasok ‘yung mga kababayan natin sa masasamang ugali tungkol dito sa drugs at kung sino man ang nasubo na ay bibigyan natin ng tulong sa pamamagitan ng mga rehabilitation center,” anang Pangulo.
Paliwanag pa ng PNP, malinis na sa ilegal na droga ang mahigit sa 27,000 barangay dahil sa pagkakaaresto ng 56,495 suspek sa ikinasang 44,000 anti-drug operations.