Karamihan sa mga Pilipino ay hindi pabor na payagan ang Philippine Offshore Gaming Operators o mga POGO na manatili at mag-operate sa bansa.
Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia Research Inc., na isinagawa mula Disyembre 3-7, 2023 na may 1,200 respondents, 85% ng mga na-survey ay hindi pabor sa POGO operations sa bansa.
Batay sa survey, 82% sa National Capital Region, 88% sa Balance Luzon, 93% sa Visayas, at 75% sa Mindanao ay hindi pabor sa POGO operations. Pagdating sa class, 87% ng nasa ABC class, 85% sa D class, at 84% sa E class ay tutol sa operasyon ng POGO sa bansa.
“Ipinakita ng survey na 6% lamang ng mga na-survey sa buong bansa ang pabor sa operasyon ng POGO,” ani Sen. Win Gatchalian.
Ang mga pangunahing dahilan ng mga respondent ay ang pagtaas ng insidente ng krimen na kinasasangkutan ng mga Chinese national (59%); paglaganap ng mga bisyo (56%); tumataas na bilang ng mga Chinese national na nagtatrabaho sa bansa (48%); pag-iwas sa buwis na ginawa ng ilang POGO operators (39%); kakulangan ng oportunidad na ibinibigay sa mga Pilipino (34%); at pagtaas ng upa o halaga ng mga residential o business property (27%). Kasama sa iba pang mga kadahilanang binanggit ang isang paniniwala na ang pagsusugal ay laban sa Islam.
Nang tanungin kung paano dapat kumilos ang administrasyon ni Pangulong Marcos upang malutas ang isyu ng mga POGO sa bansa, ang mayorya ng mga na-survey o 87% ang nagsabi na dapat wakasan ng gobyerno ang operasyon ng POGO sa loob ng 3 buwan.