Pag-aaralan muna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hiling ni Health Secretary Ted Herbosa na suspindihin ang 5 porsiyentong contribution adjustment sa mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, na binubusisi pa ng husto ni Pangulong Marcos ang naturang panukala.
“The President is studying the request,” ayon pa kay Garafil.
Nauna nang sinabi ni Herbosa na nagpadala na siya ng recommendation letter kay Pangulong Marcos kung saan dapat ay simulan ang increase sa kontribusyon sa 2 hanggang 3 porsyento lamang.
Paliwanag ng kalihim, kawawa ang mga miyembro kung agad na itataas sa 5 porsyento ang kontribusyon.
“If ever the President will agree to the contribution, my recommendation is to start from where we stopped, not the current 5%. If we stopped at 2% or 3% increase, we start at where it was suspended. That for me is the logical way to lift suspension. We don’t jump to a very high [rate] kasi kawawa ang mga tao,” paliwanag ni Herbosa.
May sapat pa naman umanong pondo ang PhilHealth para tustusan ang pagbibigay benepisyo sa mga miyembro nito.
Ang nakaiskedyul na pagtataas sa rate ng PhilHealth ay base sa isinasaad ng Universal Health Care (UHC) Law, na naging batas noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.