Mag-aalok ng 40% diskwento ang Starbucks Philippines sa ilang “qualified customers” ngayong Miyerkules matapos mabatikos sa paglilimita ng pribilehiyong nakukuha ng mga senior citizen at may kapansanan.
Ito ang ibinahagi ng dambuhalang kumpanya ng kape matapos masita ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa paglilimita ng 20% discount para sa mga 60-anyos pataas at persons with disabilities — kahit obligado ito ng batas.
“On January 24, government discounts will double to 40% OFF [with 12% value added tax exemption] on all food and beverages as a special treat for the following customers,” wika ng Starbucks Philippines sa isang paskil nitong Martes.
Kabilang sa mga makikinabang sa diskwentong ito ngayong araw ang mga sumusunod na customer:
- senior citizens
- PWDs
- national athletes
- “eligible” solo parents
- medal of valor holders
Mabibigyan lang ng diskwento ang mga solo parents na residente ng mga sumusunod na lugar na siyang nagbibigay ng naturang karagdagang pribilehiyo: Mandaluyong City, Quezon City, San Pablo City, at Angeles City, Pampanga.
“The offer is eligible to customers with a valid, original, actual and/or physical identification card (ID) with the said discount,” dagdag pa ng Starbucks.
“Offer must be personally availed by the eligible customer for personal consumption only for in-store, take-out, and drive-thru only.”
Applicable din ang P10 discount para sa mga magdadala ng personal na cup o tumbler sa mga naturang stores.
Sa kabila nito, hindi mabibigyan ng diskwento ang mga produkto ng Starbucks na binili sa pamamagitan ng mobile order and pay, GrabFood, Foodpanda at Pick-a-roo transactions.
Disqualified din para sa naturang promo ang coupons at discounts: Rustan Coffee Partner discount, Rustan Group of Companies discount
at Pink Card (Tagaytay City).
Kamakailan lang nang ipag-utos ni Rommualdez, na isa sa mga may akda ng Republic Act 10754, ang isang imbestigasyon sa kumpanya matapos makakuha ng mga ulat na hindi nito sinusunod ang tamang pagbibigay ng diskwento sa PWDs at seniors. Ibinibigay lang daw kasi nila ito sa isang pagkain at isang inumin.
Sa ilalim ng RA 10754, obligadong magbigay ng hindi bababa sa 20% discount at exemption sa VAT ang mga establisyamento gaya ng restaurant, recreation centers, hotel, sinehan, atbp. para sa mga nabanggit na bulnerableng sektor.