Balak pigain ng Senado si dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales sa susunod na pagdinig upang malaman kung sino ang nasa likod ng kanyang rebelasyon tungkol sa “PDEA leaks” na nagsasangkot kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pang celebrity sa paggamit ng ilegal na droga.
“Itanong natin ‘yan sa kanya tanong natin kung may nagbayad sa kanya. Tanong ko yan next hearing…Haharap pa rin siya…,” pahayag ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, chairman ng Senate committee on public order and illegal drugs na nagsisiyasat sa kontrobersiyal na PDEA leaks.
Una rito, binatikos si Dela Rosa ng ilang kongresista dahil sa patuloy na pagdinig ng kanyang komite sa “PDEA Leaks” kahit wala namang inihain na matitibay na ebidensiya at kaduda-duda ang ilang humarap na personalidad.
Pero giit ng senador, “Wala namang problema kaya nga tayo nag-hearing para pakinggan ang lahat ng side na merong relevant sa issue na ito, pakinggan natin lahat ng side, di porke pinakinggan natin pinaniwalaan natin ang sinasabi nya, may portion naniniwala tayo may portion ‘di tayo solve sa kanyang sinasabi, pakinggan natin lahat.”
Tiniyak din ni Dela Rosa na hindi pinipigilan ang katotohanan at pinagsasalita ang mga resource persons na humaharap sa komite.
Matatandaan na kinuwestiyon ni Sen. Jinggoy Estrada ang kredibilidad ni Morales na dalawang beses nang sinibak sa police force at na-dismissed at nakasuhan sa korte dahil sa pagiging incompetent o walang kakayahan sa kanyang trabaho sa PDEA.
Sa desisyon ng Civil Service Commission (CSC) noong Hulyo 7, 2014, kinatigan nito ang desisyon ng PDEA na nagpapatalsik kay Morales dahil sa hindi pagsasabi ng totoo at grave misconduct sa pagtatanim ng ebidensiya sa isang huwad na drug-bust operation. Pinagbawalan din si Morales na kumuha ng anumang civil service exam at forfeited ang kanyang retirement benefits.