Pawang mga “authentic” o tunay ang nasa 18 Chinese military uniforms na nakumpiska sa ngayon ng raiding teams sa patuloy na paghahalughog sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.
Ito ang sinabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Undersecretary Gilbert Cruz kung saan sinabi nito na bineberipika nila kung ilang tao ang posibleng nagmamay-ari nito.
Kinumpirma din ng PAOCC na “authentic” ang mga uniporme na may inisyal na “P.L.A.” o People’s Liberation Army (PLA) sa butones.
Gayunman, ang mga nasa PLA uniforms ay mga outdated o luma na at maituturing na collector’s item.
Ang PLA ay armed organization ng Chinese Communist Party (CCP) at military force ng People’s Republic of China.
Dahil dito, naniniwala naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagsisilbi lamang itong “front” para sa illegal activties ng Lucky South 99 POGO hub.
Samantala, ayon pa kay PAOCC spokesperson Winston John Casio, inaasahang matatapos na ngayong araw ang paghahanap at pagsalakay sa anim pang gusali sa loob ng compound. Nasa 46 ang gusali sa compound na may sukat na 10 ektarya.
Hihilingin din nila sa korte ang karagdagang search warrant para naman sa mga sniffer dogs na posibleng makatulong upang mahanap ang iba pang biktima ng torture at napatay sa lugar.
Ani Casio, ang nasabing compound ay puno ng kababalaghan.