Wala pang natatanggap na anumang report ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kung may mga mangingisdang naaresto kasunod ng deklarasyon ng unilateral fishing ban ng China sa West Philippine Sea.
Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas sa QC, sinabi ni BFAR Spokesperson Nazario Briguera na kung mayroon mang mangingisda ang maha-harass o maaresto ng China ay ituturing itong panibagong pag-uudyok at paglabag ng China sa international law, partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Anya, patuloy na mangingisda ang Pilipinas sa West Philippine Sea dahil parte ito ng exclusive economic zone ng bansa. Hindi rin aniya kinikilala ng bansa ang deklarasyong ito ng bansang China.
Pagdating naman sa produksyon ng isda, sinabi ng BFAR na malaki ang kontribusyon ng WPS sa fishery sector gayunman hindi naman aniya ito maaapektuhan ng unilateral declaration ng China.