Hindi lamang ang mga illegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang pinagkakaabalahan ng China kundi pati umano food security ng Pilipinas ay pinasok na rin.
Ito ang sinabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director at Undersecretary Gilbert Cruz kung saan kumikilos na ang China sa pagbili ng ilang lupain na pinagmumulan ng supply ng bigas.
Ayon kay Cruz, gamit ang ilan nilang kinatawan, uupa muna sa una ang mga Chinese hanggang sa bibilhin na ang mga lupa ng magsasaka sa Palawan, Nueva Ecija at ilan pang mga lalawigan na pinanggagalingan ng bigas.
‘Hindi lang yung pagbili ang ginagawa nila. Ang unang ginagawa ay uupahan nila ng P80,000 hanggang P100,000 yung rice field per hectare. So kung ikaw yung magsasaka, ito siguradong kita na, yung isang ektarya mo may upang ibibigay sayo hindi ka na magtatrabaho,” ani Cruz.
Sinabi ni Cruz na matutuwa ang mga magsasaka dahil hindi na sila mahihirapan sa pagsasaka bagkus ay kumikita sa upa ng mga dayuhan pero kalaunan baka ang mga dayuhan na aniya ang magkontrol sa food security ng Pilipinas.
Sa katunayan, mayroon na silang iniimbestigahang mga probinsiya kaakibat ang impormasyon sa pag-uupa at pamimili ng lupa ng mga magsasaka ng mga kinatawan ng mga dayuhan.
Dito ay kontrolado na ng mga dayuhan ang biniling lupang sakahan at puwedeng kontrolin ng mga dayuhan kung ano ang itatanim.
Sakaling taniman ng palay, hindi malayong ang mga ito na ang magkokontrol ng presyo ng bigas sa bansa.
Bunsod nito, sinabi ni Cruz na makikipag-ugnayan sila sa Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Interior and Local Government (DILG) upang ipaalam sa mga lokal na pamahalaan ang nangyayari sa kanilang nasasakupan na maaari nilang imbestigahan.
Payo ni Cruz sa mga magsasaka, huwag magpasilaw sa malaking halaga at sa halip ay sinupin ang kanilang lupain lalo pa at ibinibigay naman ng pamahalaan ang lahat ng tulong sa mga magsasaka.