Maaantala ang pagbubukas ng klase ng 738 public schools sa apat na rehiyon sa bansa na itinakda sa Hulyo 29 (Lunes) bunsod ng mga pinsalang idinulot ng Habagat at bagyong Carina, ayon sa Department of Education (DepEd).
Inihayag na rin ni DepEd Secretary Sonny Angara na hindi niya pipilitin na magbukas ng klase ang mga nasalantang paaralan.
Sa kaniyang post sa X nitong Biyernes, binanggit niya ang datos mula sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na nagpapakita na ang mga mag-aaral ay na-miss ang tinatayang 53 araw ng pagtuturo mula sa 180-araw na school year noong nakaraang school year, dahil na rin sa weather-related events.
Sa datos mula sa disaster risk reduction and management service ng DepEd na ibinahagi noong Biyernes, nasa 246 paaralan ang binaha sa pananalasa ng bagyo at ng habagat, habang hindi bababa sa 64 na paaralan ang kasalukuyang ginagamit bilang mga evacuation center.
Nauna nang inihayag ni Angara na habang ang ilang mga paaralan ay kailangang ipagpaliban ang kanilang pagsisimula ng klase upang matapos ang paglilinis, hindi siya magdedeklara ng postponement ng mga klase upang payagan ang mga paaralan na may minimal hanggang zero na pinsala na magpatuloy gaya ng nakatakda.
Nitong Hulyo 25, nasa 90 eskwelahan ang napinsala na kakailanganin ang halagang P630 milyon para sa pagsasaayos.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hanggat maari ay kailangang magtuloy ang pagbubukas ng mga klase sa Hulyo 29 bagamat batid niya na mayroong mga paaralan na hindi magagamit.
Sa kabila nito, sinabi ng Pangulo na ipapaubaya pa rin niya sa mga local head ng mga paaralan ang pagpapasya kung itutuloy ang pagbubukas ng klase sa Lunes.
“As much as possible. Hangga’t maari. If the school buildings are in a condition to take classes, they will do it. Pero meron pa talaga na kakaunti na lang ‘yung may tubig pero marami naiwan na putik, hindi magamit. Tapos may nasira na gamit, We’d have to replace them,” pahayag pa ng Pangulo.
“Gawin nyo ang lahat. Buksan nyo, ang pagpasok gawin nyo hangga’t maaari, kung kaya nyong buksan. That’s the usual ano, hangga’t maaari, open the schools and conduct classes. There are areas na hindi talaga pwede,” sabi pa niya.