Aarangkada na ngayong araw ng Huwebes ang “Rice-for-All” program ng Department of Agriculture (DA).
Layon ng programa na magbenta ng abot-kayang bigas sa lahat ng Pilipino na bukod pa sa P29 program.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, well-milled ang bigas na ibebenta sa “Rice-for-All” na magkakahalaga ng P45, mas mura kumpara sa P51-P55 na bentahan ngayon ng imported na bigas.
Sisimulan ito sa apat na Kadiwa Sites kabilang ang FTI sa Taguig City, Llano Road sa Caloocan, Potrero sa Malabon at tanggapan ng Bureau of Plant Industry (BPI) sa lungsod ng Maynila.
Hanggang sa 25 kilos naman ang maaaring bilhin ng bawat mamimili kada araw sa ‘Rice-for-All’.
Ang bentahan ay gagawin kada Huwebes, Biyernes at Sabado.
Sinabi ni De Mesa na bukod sa well milled rice, may ibebenta ring premium rice na P52 kada kilo sa FTI Kadiwa Site.
Katuwang ng DA sa bentahan ng murang bigas ang commercial stakeholders/partner traders na direktang magbebenta sa mga mamimili.
Bukod naman sa Rice for All, patuloy na palalawakin ng DA ang P29 program na ngayon ay available na sa 17 kadiwa sites sa Metro Manila, Bulacan at Calabarzon.