Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Pinoy gymnast na si Carlos Edriel Yulo na isa umanong “sports hero” at “national treasure” sa kanyang natatanging ipinamalas na galing sa men’s final floor exercise kaya nakapag-uwi ng gintong medalya mula sa Paris Olympics 2024.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang makasaysayang tagumpay ni Yulo, na naghatid ng unang gintong Olympic medal sa Pilipinas sa larangan ng gymnastics at ikalawang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics ay isa umanong simbolo ng hindi natitinag na diwa at ang katatagan ng mga Pilipino.
Bago tumulak ang mga atleta sa Paris Olympics, nagpa-abot ng tulong pinansyal si Speaker Romualdez sa 22 atleta na kakatawan sa Pilipinas sa naturang kompetisyon.
Pinangunahan din ni Speaker Romualdez ang isang fundraising campaign sa Kamara para madagdagan ang cash incentives para kay Yulo.
“Today, we celebrate a monumental achievement that resonates deeply with every Filipino heart. Carlos Edriel Yulo has not only soared to the pinnacle of athletic excellence but has also emerged as a sports hero and national treasure, igniting a beacon of hope and inspiration for all Filipinos,” deklara ni Speaker Romualdez.
Ayon kay Romualdez, kinikilala ng Kamara ang pangako nito na bibigyan ng P3 milyong cash incentive ang mananalo ng ginto sa Olympics.
Si Yulo ay gagawaran din ng Kamara ng congressional medal para sa kanyang natatanging tagumpay at kontribusyon sa Philippine sports.
Bukod sa P3 milyong ibibigay sa makaka-gintong medalya, ang Kamara ay magbibigay ng P2 milyon sa mananalo ng silver at P1 milyon sa bronze.
Ang Pinay boxer na si Aira Villegas, na nag-ugat sa Tacloban City, ay nakatitiyak na makapag-uuwi na ng medalya matapos talunin si Wassila Lkhadiri ng France sa women’s 50kg quarterfinals.