Nakatakdang maghain ang gobyerno ng Pilipinas ng panibagong diplomatic protest laban sa China matapos pumasok sa teritoryong nasasaklaw ng himpapawid ng bansa sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) noong Agosto 8.
Sa joint press conference sa Camp Aguinaldo, sinabi nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na hindi maaring basta na lamang palagpasin ng Pilipinas ang mapanganib na ginawa ng dalawang Chinese aircraft na nagpakawala ng mga flares sa himpapawid sa direksiyon ng Philippine Air Force (PAF) NC-2121 propeller aircraft na nagsasagawa ng air patrol sa himpapawid ng Bajo de Masinloc.
“Naturally hindi natin puwedeng pabayaan ito, kahit na sabihin ng publiko na diplomatic protest na naman, why not. We cannot not do it, kung hindi nag-a-acquiesce tayo,“ ani Teodoro.
Una nang pinalagan ng AFP ang insidente sa pagsasabing ang mapanganib na aksiyon ng Chinese aircraft ay maaring ikapahamak ng mga piloto ng PAF.
Sa panig ni Manalo, sinabi nito na ikinasorpresa niya ang ginawang karahasan ng People’s Liberation Army Air Force (PLAAF) lalo na at nagkasundo na ang mga opisyal ng Pilipinas at China sa pagpupulong sa Beijing na iwasan ang anumang hakbangin na makakapagpalala ng tensiyon sa WPS.
“Well, I don’t know why they did it, yun ang masasabi ko. They took us by surprise. China has always said it wanted to deescalate but everytime of course may nangyayari na ganito certainly it tends to raise tensions so it’s something that certainly we have to pay close attention”, dismayadong pahayag pa ni Manalo na inihayag ang paghahain ng panibagong diplomatic protest.
Sa kabila nito, ayon pa kay Teodoro ay hindi naman nakakaalarma ang insidente bagaman isa itong isyung dapat tugunan ng pamahalaan.