Dalawang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nasira bunsod ng “unlawful and aggressive maneuvers” ng China malapit sa Escoda Shoal.
Ayon kay National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, patungo sa Patag at Lawak Islands ang BRP Cape Engeño bandang alas-3:24 ng madaling araw nang gumawa ng delikadong maniobra ang CCG vessel 3104.
Tinamaan ang starboard beam ng barko at nagkaroon ng butas.
Kasunod nito, bandang alas-3:40 ng madaling araw nang dalawang ulit na banggain ang port at starboard ng BRP Bagacay ng CCG vessel 21551 habang naglalayag sa layong 21.3 nautical miles southeast ng Escoda Shoal.
Gayunpaman, sinabi ni Malaya na mananatili lamang sa kanilang misyon ang PCG vessel na makapagdala ng supply sa kanilang mga tauhan sa Patag at Lawak Islands.
Nauna rito, nagsumite ng diplomatic protest ang China dahil umano sa ilegal na pananatili ng PCG vessel BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal kahit ito ay nasa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone.