Pitong Pilipino ang tinulungan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na makabalik sa bansa nitong Biyernes matapos maaresto dahil sa cyber scam network sa Laos.
Sinabi ng DFA na tinutulungan na rin ang “release at extraction” ng mga OFWs sa Laos kasunod ng pag-crackdown kamakailan sa Golden Triangle Special Economic Zone (GTSEZ), na kilala sa mga casino at hotel na pag-aari ng mga Chinese at hinihinalang gumagawa ng mga ilegal na aktibidad.
Ayon sa DFA, ang Embahada ng Pilipinas sa Vientiane ay nakikipagtulungan sa mga awtoridad ng Laos at nagpadala ng isang team sa Bokeo upang mapadali ang pagpapalaya at pagkuha ng mga distressed na Pilipino.
Gagastusan din ng DFA ang kanilang mga flight mula Bokeo patungong Vientiane at sa Pilipinas, kabilang ang tirahan, pagkain, at mga pangunahing pangangailangan.
“So far, we have responded to 129 requests for assistance, and already repatriated 7 Filipinos today,” anang DFA.
Napaulat na inaresto ng mga awtoridad sa Laos ang halos 800 katao na nagtatrabaho sa cyber scam network sa isang “espesyal na economic zone” sa hangganan ng Myanmar at Thailand.