Iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang 24 na mga dating pinuno nito kaugnay ng alegasyon na isa sa kanila ang tumulong kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na makatakas mula sa Pilipinas kapalit ng malaking halaga.
Ito ang sinabi ni PNP chief Police General Rommel Marbil sa pagdining ng Senate finance subcommittee sa panukalang P205.8-bilyong badyet ng PNP para sa 2025.
“Wala pa po kaming report coming from [retired] General Raul Villanueva doon sa sinabi niya, but we are investigating 24 of our former chief PNP kung involved po sila,” ani Marbil.
Nais din ng PNP na hingan ng paliwanag si PAGCOR Senior Vice President Raul Villanueva, isang retiradong heneral at dating commander sa Intelligence Services Armed Forces of the Philippines (ISAFP).
“For the meantime, (lahat ng 24 ex-PNP chiefs) ‘yun po ang iniimbestigahan natin but we have to ask General Villanueva to really mention the name kasi under oath po siya,” ani Marbil sa isang hiwalay na panayam.
Sinabi rin ni Marbil na nag-usap na sila ni DILG Secretary Benhur Abalos para imbestigahan hindi lamang ang mga dating chief PNP kundi ang lahat ng mga tumulong kay Alice Guo na makalabas ng bansa.
Nauna rito, sa pagdinig ng Senado noong Martes, sinabi ni Villanueva na mayroong mga intelligence report na bina-validate na isang dating PNP chief ang sangkot sa pagtakas ni Guo at napapabalitang bahagi ng kanyang “buwanang payroll.”
Ipinunto naman ni Marbil na hindi beripikado ang impormasyon na ibinunyag ni Villanueva, na nakakaapekto sa imahe ng PNP.
“Hindi kami natutuwa sa sinabi niya. Since he is under oath you have to tell us kasi it affects the whole organization. And remember it’s not the whole organization na PNP alone. It’s peace and order ang naapektuhan doon sa sinabi niya,” ani Marbil.
Ayon kay Marbil, gumagawa sila ng liham na naka-address kay Villanueva na humihimok sa kanya na tukuyin ang taong kanyang tinutukoy sa pagdinig sa Senado.
Sakaling mabigo si Villanueva na pangalanan ang nasabing ex-PNP chief, sinabi ni Marbil na ang usapin ay hahawakan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).