Kinondena ni United States Defense chief Lloyd Austin III sa isang tawag kasama si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang kamakailang agresibong aksyon ng China sa West Philippine sea.
Ayon sa statement na inilabas ni Pentagon Press Secretary Brig. Gen. Pat Ryder, nagkausap ang dalawang defense secretary nitong Miyerkules tungkol sa pag-gamit ng China ng water cannons sa mga barko ng Pilipinas.
“Secretary Austin condemned the China Coast Guard’s use of water cannons and other dangerous maneuvers, which put the safety of Philippine vessels and crew at risk,” saad ng statement
Maalalang ginamitan ng China ng water cannons ang mga barko ng Philippine Coast Guard nitong Sabado, August 5, na siyang pumigil sa kanilang resupply mission para sa mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal o Second Thomas Shoal.
“[Secretary Austin] joined numerous countries in expressing concern about these unsafe operational activities, which undermine the status quo and directly threaten regional peace and stability,” dagdag pa ng statement.
Napagusapan din ng dalawang Defense Secretary ang paninindigan sa “rules-based order” kung saan kabilang ang pagrespeto sa karapatan ng Pilipinas na magsagawa ng “lawful maritime activities” sa West Philippine Sea alinsunod sa 2016 Arbitral Tribunal Ruling.
“Secretary Austin reaffirmed that the Mutual Defense Treaty extends to Philippine public vessels, aircraft, and armed forces—to include those of its Coast Guard—in the Pacific, including in the South China Sea.”
Hindi ito ang unang pagkakataon na pinaginitan ng coast guard ng China ang mga barko ng Pilipinas. Ilang araw lamang bago ang insidente nitong Sabado, naipasa sa senado ang isang resolusyong kinokondena ang patuloy na panggigipit sa mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.
Kasalukuyang nagpaplano ang Philippine Coast Guard ng panibagong resupply mission BRP Sierra Madre na maaaring samahan ng mas malaking escort.