Nakalabas na ng bansa ang napatalsik na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo na tinatawag ding Guo Hua Ping.
“I am now in receipt of information that in fact this person was already out of the country on July 18, 2024 to Kuala Lumpur, Malaysia. Ipapakita ko po ang dokumentong ito, bilang patunay na pumasok sa Malaysia si Alice Guo, pagbubunyag ni Sen. Risa Hontiveros.
Sinabi ni Hontiveros na dumating si Guo sa Malaysia dakong “12:17:13 military time” ng July 18.
“Mr. President, hindi po pwede ipagkaila na siya ito dahil po match na match po ito sa kanyang Philippine passport na ipaflash ko ngayon,” ani Hontiveros.
Nagpasalamat si Hontiveros sa National Bureau of Investigation (NBI) sa impormasyon.
Base sa isa pang source ni Hontiveros, tumuloy si Guo sa Singapore, kung saan nagkita sila ng kanyang magulang na si Lin Wen Yi at Guo JianZhong.
“The couple flew in from China on July 28, 2024. Mistulang reunion sila doon kasama si Wesley Guo at si Cassandra Ong,” ani Hontiveros.
Kinuwestiyon ni Hontiveros kung sino ang nagpahintulot kay Guo na makalabas ng bansa. Hindi aniya makakaalis si Guo kung walang tumulong na mga opisyales ng gobyerno.
Ipinaalala ni Hontiveros ang pangako ng Bureau of Immigration na hindi makakaalis ng bansa si Guo.
“Pero paano kung ang law enforcement mismo ang kelangan imbestigahan? What if they dropped the ball? Paano kung sila ang dapat managot? Nangako ang BI sa akin at sa Senate President Pro Tempore na hindi nila hahayaan si Guo Hua Ping na makaalis sa Pilipinas, eh yun pala ay wala na talaga siya,” ani Hontiveros.