Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagsisiyasat sa pagpupuslit ng sibuyas at iba pang produktong pang-agrikultura, na ayon sa kanya ay katumbas ng economic sabotage.
Sa isang pahayag, sinabi ni Marcos na iniutos na niya sa Department of Justice at National Bureau of Investigation na simulan ang imbestigasyon sa hoarding, smuggling at price fixing ng mga agricultural commodities.
“Nagbigay lang ako ng mga tagubilin sa DOJ at NBI na simulan ang imbetigasyon sa hoarding, smuggling (at) price fixing ng mga agricultural commodities. And this is stemming from the hearing that we’ve held in the House, specifically by Congresswoman Stella Quimbo and the findings that they came with,” pahayag ng Pangulo.
Sa isang Memorandum sa Pangulo ni Marikina Rep. Quimbo, na namuno sa House Committee on Agriculture and Food hearings sa House, sinabi niya na natuklasan ang malaking ebidensya na nagtuturo sa pagkakaroon ng kartel ng sibuyas habang sinisiyasat ang mga dahilan sa likod ng pagtaas ng presyo ng sibuyas noong 2022.
Sinabi niya na ang kartel, na tumatakbo sa pamamagitan ng Philippine VIEVA Group of Companies Inc. (PVGCI), ay nakikibahagi sa iba’t ibang aktibidad kabilang ang pagsasaka, pag-aangkat, lokal na kalakalan, bodega, at logistik.
Binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng mga natuklasan na ito bilang sapat na mga batayan upang simulan ang isang pagsisiyasat.
“And that is why we are going to be very, very strict about finding these people and making sure that they are brought to justice,” ani Marcos.
Nakita sa pagdinig ang biglang pagtaas sa presyo ng sibuyas simula noong Hulyo 2022, ay iniuugnay sa kakulangan ng suplay.
Gayunpaman, ang data mula sa Department of Agriculture at Bureau of Plant Industry ay nagsiwalat lamang ng isang katamtamang kakulangan na humigit-kumulang 7.56 porsiyento noong 2022, na hindi maaaring bigyang-katwiran ang inflation rate na umabot sa 87 porsiyento noong Disyembre ng taong iyon.
Iniulat ni Quimbo na ang tugon ng mga may-ari ng cold storage facility na nagpapahiwatig na sapat ang supply ng mga sibuyas sa panahon ng pagtaas ng presyo kaya sinilip ang posibleng aktibidad ng kartel.
Ang kartel umano ay nakikibahagi sa price fixing sa pamamagitan ng pagmamanipula ng mga stock, at ginagamit ang kontrol sa mga pasilidad ng cold storage.
Sa mga pagdinig, itinanggi ni Lilia/Lea Cruz, na kilala bilang “Reyna ng Sibuyas,” na may kinalaman siya sa pag-aangkat ng sibuyas, at sinabing ang kanyang partisipasyon ay limitado sa trak at pagtulong sa mga magsasaka ng sibuyas.
Si Cruz, ayon kay Quimbo, ang majority stockholder ng PVGCI, na itinatag noong 2012. Ang PVGCI, kasama ang iba pang pangunahing manlalaro sa industriya ng sibuyas, ay idinadawit sa mga operasyon ng kartel, kabilang ang koordinasyon ng stock withdrawals at price-fixing.
Nagprisinta rin si Quimbo ng isang “Onion Matrix” na kinasasangkutan ng ilang kumpanyang nakikibahagi sa pangangalakal at pag-aangkat ng mga sibuyas at iba pang gulay na kumikilos sa pakikipagsabwatan sa mga may-ari ng mga cold storage facility.