Nilagdaan na ni Ugandan President Yoweri Museveni nitong Lunes, Mayo 29, bilang batas ang kontrobersyal na anti-gay bill, ayon sa kaniyang tanggapan at ng parlyamento ng bansa.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinang-ayunan ni Museveni ang Anti-Homosexuality Bill 2023 na ngayon ay tinawag nang Anti-Homosexuality Act 2023.
Sa isang Twitter post, sinabi ng parliament ng Uganda na pumayag si Museveni sa isang bagong draft ng batas na inaprubahan ng mga mambabatas noong unang bahagi ng buwang ito.
Sa bagong bersyon ng batas, nilinaw na ang pagkilala bilang “gay” ay hindi magiging krimen, ngunit ang “pag-engage sa mga gawa ng homosexuality” ay isa umanong pagkakasala na mapaparusahan ng habambuhay na pagkakakulong.
Bagama’t pinayuhan ni Museveni ang mga mambabatas na tanggalin ang isang probisyon na ginagawang isang “capital offense” ang “aggravated homosexuality”, tinanggihan ito ng mga mambabatas. Nangangahulugan umano ito na ang repeat offenders ay maaaring hatulan ng kamatayan.
Sa loob ng maraming taon ay hindi umano gumamit ng parusang kamatayan ang Uganda.
Kinondena naman ng Estados Unidos, European Union at international human rights groups ang naturang anti-gay bill, na nagpapakilala umano ng mga mahigpit na hakbang laban sa homosexuality na inilarawan bilang isa sa pinakamalupit sa mundo.