Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tuloy lamang sila sa kanilang tungkulin sa kabila ng banta ng China na sisimulan na ngayon ang paghuli sa mga “trespassers” sa South China Sea at ilang lugar sa West Philippine Sea.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Col. Xerxes Trinidad, tuluy-tuloy lang sila sa kanilang maritime patrol sa lugar na sakop ng Pilipinas.
Mananatiling matatag ang kanilang puwersa sa pagtatanggol at pagbibigay-proteksiyon sa karapatan ng bansa gayundin ang kaligtasan ng kanilang mga tauhan sa WPS.
Sinabi ni Trinidad na ang anti-trespassing policy ng China na magsisimula ngayon ay pagbalewala sa international maritime rules and regulations.
Ani Trinidad, hindi magpapaapekto at matatakot ang Pilipinas sa mga banta at harassment ng China.
“The presence and actions of its vessels in our waters are illegal, coercive, aggressive and deceptive. We will not be deterred or intimidated,” ani Trinidad sa ABS-CBN News.
Sa ilalim ng regulasyon ng China, aarestuhin ang sinumang indibiduwal na iligal na papasok sa kanilang katubigan at ikukulong ng 60 araw o sa loob ng dalawang buwan ng walang paglilitis.
Una nang sinabi ni Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad na hindi nila papayagang arestuhin ng China ang sinumang Pilipino na papasok sa WPS.
Sa katunayan, dinagdagan na rin nila ang mga magpapatrolya sa WPS. Maging ang ibang bansa ay handang tumugon sa Pilipinas.
“This is not only the problem of the Philippines, but the problem of ASEAN and the international community,” dagdag pa ni Trinidad.