Tututukan ni incoming Education Secretary Sonny Angara ang pagpapasimple ng kurikulum at pagpapabuti ng mga benepisyo para sa mga guro.
Sinabi ni Angara na inaalam niya ang mga detalye sa Matatag curriculum na inintroduce ng nagbitiw na si Vice President Sara Duterte na layuning i- streamline o pahusayin ang pangkalahatang kalidad ng edukasyon.
“Dapat back to basics lang ho tayo,”ani Angara sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.
Aniya, tama ang direksyon ng Matatag curriculum. Hindi rin aniya dapat na pabigla-bigla at panatilihin ang pagpapasimple ng curriculum.
Sinabi ni Angara na uunahin din niyang bawasan ang non-teaching tasks at palakasin ang kanilang pag-access sa financial institutions.
“Very distracted sila sa rami ng kanilang ginagawa. Kaya maganda ‘yung instruction ng Pangulo sa atin na mag-focus sa pagtuturo at ayusin din ‘yung kanilang mga benepisyo para inspired at saka motivated sila,” ani Angara.
“Tinitingnan natin ‘yung benepisyo nila… For example, ‘yung mga nakukuha nilang loan, minsan natatali sila d’yan nang matagal at mataas ang interes. Pag-aralan natin, tapos kausapin natin ‘yung ibang financial institutions ng gobyerno…na nagpapautang nang mura sa mga negosyante. Dapat may access din sila dito o preferential treatment,”dagdag pa niya.
Naniniwala rin si Angara na may mga pagtaas sa sweldo ng mga guro, na posibleng ngayong taon o sa susunod.