Bahagyang kumalma ang Bulkang Mayon sa gitna ng patuloy na paglilikas ng mga residente na apektado ng pag-aalburoto nito, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sinabi ng Phivolcs, bukod sa 59 rockfall events, nakapagtala na lamang sila ng isang pagyanig simula 5:00 ng madaling araw ng Biyernes hanggang 5:00 ng madaling araw ng Sabado.
Nilinaw ng Phivolcs, mas mababa ang naturang rockfall events sa nakaraang 24 oras kumpara sa 199 na naitala nitong Hunyo 8-9.
Nitong Biyernes ng gabi, naobserbahan ang crater glow sa Mayon Volcano.
Nitong Hunyo 9, nasa 417 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng bulkan na tinangay ng hangin pa-timog silangan.
Ipinaiiral pa rin ang Alert Level 3 status ng bulkan at posible pang itaas ito sakaling tumindi pa ang aktibidad nito, ayon sa Phivolcs.
Ipinagbabawal pa rin ng Phivolcs ang pagpasok sa 6-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) mula sa bulkan dahil sa posibleng pagragasa ng lava o bato at pagsabog nito.