Pinag-aaralan ng gobyerno ang panukala na ibalik ang pagbubukas ng klase sa buwan ng Hunyo sa halip na Agosto.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa harap ng mga mungkahi na ibalik sa dati ang araw ng pasukan dahil panahon na ng tag-ulan at kawawa ang mga estudyante lalo na ang mga batang mag-aaral.
Sinabi ni Marcos na masusing pinag-aaralan ng Department of Education (DepEd) kung ano talaga ang pinakamagandang academic calendar year.
Hindi rin naman umano ganun kasimple na palitan ang schedule ng pasukan dahil may pandemic, at ngayon naman ay kailangang pag-usapan ang climate change dahil ngayon ay sobrang init at pati ang mga bata ay hinihimatay.
Kaya kailangan umanong isama sa pag-aaral kung ano ang talagang dapat gawin dahil marami ang dapat ikonsidera kabilang dito ang kapakanan ng mga estudyante, mga guro at non-teaching personnel ng mga eskwelahan.
Ang pahayag ay ginawa ng Presidente sa gitna ng inspeksyon nito sa mga silid-aralan sa Victorino Mapa High School sa Maynila sa pagbubukas ng Brigada Eskwela 2023.
“Pinag-uusapan nga namin, we were talking with the teaching staff here, tinatanong ko sa kanila ano ‘yung preference nila kaya’t pinag-aaralan natin. The DepEd is in the process, sila sa kasalukuyan ay mayroon silang ginagawang study kung ano ba talaga ang pinakamaganda,” giit pa ni Marcos.