Inatasan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pambansang pulisya at mga lokal na pamahalaan upang tiyakin ang kaligtasan ng milyon-milyong mag-aaral ngayong darating na pasukan kung saan umiiral na ang harapan o face-to-face classes.
Sa isang pahayag ay sinabi ni DILG Sec. Benhur Abalos na batay sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay pakikilusin ng kanyang ahensiya ang kapulisan at LGUs, partikular ang mga barangay, upang ipatupad ang “Bantay-Peligro, Bantay-Presyo” na siyang titiyak sa kaligtasan ng mga batang pumapasok sa iskwela at gagabay sa mga magulang laban sa mapagsamantalang tindahan ng school supplies.
“Sa Bantay-Peligro ay mamanmanan at susugpuin ng kapulisan, katuwang ang mga tanod ng barangay at gwardiya ng mga paaralan, ang galaw ng mga masasamang-loob ‘tulad ng kidnaper, holdaper, isnatser at mga maton na nangingikil sa mga estudyante upang ligtas at mapayapa ang mga itong makapag-aral,” pahayag ni Sec. Benhur, sabay dagdag na maging ang mga magulang ng mga bata ay magiging panatag ang kalooban tungkol sa kaligtasan ng kanilang mga anak sa labas ng tahanan.
Ayon pa kay Sec. Benhur ay tutulong din ang mga tanod at kapulisan sa pagsasaayos ng trapiko sa umpisa ng pasukan nitong Agosto 29 sa mga lansangan kung saan mayroong iskwelahan upang maiwasang may maaksidenteng mag-aaral sa kalsada.
Kanya ring ipinaliwanag na ang “Bantay-Presyo” ay tungkol sa ayuda at gabay na ipagkakaloob ng kapulisan at barangay officials sa Department of Trade and Industry upang masawata ang pagsasamantala ng ilang tiwaling negosyante sa mga presyo ng school supplies.
“Pupunuan ng aming hanay ang kakulangan sa tauhan ng mga nagpapatupad ng price monitoring ng mga school supplies upang may daglian o agarang malapitan o mapagsumbungan ang mga mamili tungkol sa sobrang presyo ng mga bilihing gamit sa iskwela,” sabi ni Sec. Abalos.
Nauna nang naglabas ang DTI ng “Gabay sa Pamimili ng School Supplies” upang maipabatid sa mga magulang ang tamang presyo ng mga gamit bg kanilabg anak sa iskwela.
Pero napag-alaman sa ulat na mismo ang DTI ay may kakulangan sa mga tauhan upang matugunan ang pag-usisa at pagmanman sa mga lumalabag sa price guide ng school supplies sa buong kapuluan.
“Palaging bilin sa akin ni Pangulong Marcos na suportahan ang anomang tanggapan na nangangailangan ng tulong sa kanilang paglilingkod sa taumbayan,” pagtatapos na pahayag ni Sec. Benhur.