Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) nitong Miyerkules laban sa call center job scam na nagre-recruit ng mga Pinoy upang magtrabaho sa Myanmar at Thailand.
Ang babala ay inilabas ng ahensya kasunod na rin ng pagpapauwi sa bansa ng siyam na Pinoy mula sa Myanmar at Thailand matapos mapeke sa inaaplayang trabaho.
Paliwanag naman ni BI Commissioner Norman Tansingco, pawang professional ang siyam na biktima na nagtungo sa mga naturang bansa upang humanap ng magandang trabaho.
“These latest batch of victims show that traffickers are using the same modus to recruit young professionals to seemingly-good call center jobs abroad… Only to find out that it is a scam,” anang opisyal.
Nitong Mayo 30, pinauwi sa bansa ang mga biktimang dalawang babae at isang lalaki mula sa Myanmar habang ang anim na iba pa ay nailigtas sa Bangkok, Thailand nitong Mayo 29.
“The new face of victims now are really professionals with good jobs here in the country but seek adventure abroad,” ani Tansingco.
Ayon pa sa BI, ang mga biktima ay umalis sa bansa nitong unang bahagi ng 2023 at noong 2022.