Tumataas ang bilang ng COVID-19 admission sa mga pribadong ospital sa bansa, ayon sa pangulo ng Private Hospital Association of the Philippines Incorporated (PHAPI) na si Dr. Jose Rene de Grano.
Ayon kay De Grano, ang pagiging kampante ng karamihan ang isa sa mga nakikita nilang rason sa bahagyang pagtaas ng kaso.
“So far dumami talaga, although gradual naman ang pag-increase. Still napapansin natin na nagi-increase talaga ang number of COVID positive,“ ani de Grano.
Isa pa sa mga nakikitang rason ni De Grano sa pagdami ng COVID-19 admission sa mga pribadong ospital ay ang pagbabiyahe papuntang ibang bansa ng mga nagiging pasyente.
“Medyo ‘yun ang isa sa mga nakikita namin ano, marami kaming kakilala although … wala tayong statistics on this. Pero may napansin kami na yung mga nag abroad, namasyal sa Europe, whatever country, kasi doon pagdating nila halos wala nang nagma-mask. And then pagbalik nila nagkakaroon sila ng symptoms. Tini-test sila, karamihan nagpa-positive pero of course wala tayong data diyan,” dagdag pa ni De Grano.
Pero karamihan sa mga na-admit mga co-incidental COVID positive, o ‘yung may ibang sakit ang pasyente kaya nagpa-ospital pero nagpositibo sa COVID-19 testing.
“Actually karamihan na na-admit natin tinatawag na co-incidental lang. Ibig sabihin nagpapa-admit sila sa ibang kaso, sa ibang rason, but then pagti-test sila nagpa-positive. So ‘yun ang tinatawag natin na co-incidental lang. Hindi ang main reason ng admission nila ay COVID. Yung iba naman ay may mga condition na na pre morbid at immuno-compromise na mga tao ina-advise natin talaga na magpa-admit kasi sila ang usually pumunta sa severe at critical,” ani De Grano.
Patuloy ang panawagan ng PHAPI sa mga residente na magsuot ng face mask at sumunod sa health protocols.